-- Advertisements --

Muli na namang nalipat ng ibang team ang veteran guard na si Goran Dragic at nakatakdang pumirma hanggang sa pagtatapos ang season sa ilalim ng Brooklyn Nets.

Ito ang kinumpirma ng kanyang agent na si Bill Duffy sa ESPN.

Kung maalala noong huling season matagal din siyang naglaro sa Miami Heat kung saan namayagpag ang kanyang career.

Nagsimula ang 35-anyos na Slovenian star sa 16 postseason games kung saan nag-average siya ng 19 points hanggang sa umabot sila sa 2020 NBA Finals bago dumanas siya ng injury.

Pero nitong season napunta siya sa Toronto Raptors hanggang sa pakawalan siya patungo sa San Antonio Spurs kasabay ng trade deadline pero sa huli nabili ng Nets ang kanyang kontrata.

Sinasabing ini-waive ng Nets ang kanilang guard na si Jevon Carter upang bigyang daan ang pagpasok ni Dragic.

Bago ito, kabilang din sa mga teams na nag-ambisyon din daw na makuha sana ang serbisyo ni Dragic ay ang Los Angeles Lakers, Golden State Warriors, LA Clippers, Milwaukee Bucks at Chicago Bulls.