Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga kompanya at industriya na sumulat sa Inter-Agency Task Force (IATF) ukol sa kanilang apela na mas maluwag na minimum health standard protocols sa workplaces.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng hinaing ng ilang manggagawa hinggil sa sagabal ng pagsusuot ng face shield sa trabaho. Partikular na ang mga factory at construction workers.
“Siguro yung mga nagwe-welding exempted ‘yun kasi they wear yung goggles na industrial, so in effect their eyes are also covered.”
“But this has to be taken up to IATF kasi doon galing itong protocol natin kaya nagkaroon ng ganyang pamantayan ang DTI at DOLE.”
Sa ilalim ng guidelines ng IATF, inirerekomenda ang pagsusuot ng personal protective equipment tulad ng face mask at face shield kapag nasa labas ng bahay.
Batay kasi sa mga pag-aaral, nasa halos 100% ng posibilidad sa pagkakahawa sa COVID-19 ang nababawas ng mga nakasuot ng mask, shield at nasa higit isang metrong distansya.
“Ang face shield ay ginagamit para magkaroon ng proteksyon sa mata dahil may mucus membrane sa eyes and infection, the virus can very well be transmitted to this. Also it covers your face and usually kapag may isang tao na infected, maaaring nagsalita o umubo, dumidikit yung virus sa parts ng face natin, and whenever we touch our face, nose and eyes maaari tayong mahawa.”
Nanindigan si Usec. Vergeire na pinaka-epektibong paraan pa rin para maiwasan ang pagkakahawa sa COVID-19, ay ang pagsunod sa naturang minimum health standards.
OFFICE LOCK DOWN’S
Samantala, ipinaalala naman ng Health spokesperson na 14-araw lang ang inirerekomendang tagal ng quarantine sa mga indibidwal na may exposure sa confirmed cases.
Bagamat nire-respeto ng ahensya ang inisyatibo ng pribadong sektor sa pagpapatupad ng sariling lockdown sa mga opisina, ay dapat daw na naipaliwanag ito ng maayos sa mga empleyado.
“Ang protocol namin kasi, basta ikaw nag-quarantine ka, you were exposed, a close contact, may 14 days tayong pinag-uusapan. Pagkatapos (ng 14 days) you are already identified as someone who can go back to their regular routine.”
Ayon kay Vergeire, may ilang ospital nang nagpapatupad ng mahigpit na lockdown sa kanilang healthcare workers para maiwasan ang banta ng pagdadala ng sakit sa komunidad.
“Kapag ginawa naman yan, may agreement yan. Ibig sabihin hindi naman dapat pumayag din ang isang employee kung labag sa kanyang kalooban.”
Paalala ng opisyal sa pribadong sektor, huwag kalimutang bumuo ng mga programa para matiyak na hindi lang psisikal kundi pati mental health ng mga empleyado ay malusog kung matagal na silang naka-lockdown sa mga opisina.