-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi tatalikuran ng gobyerno ang responsibilidad nitong bantayan ang pagiging epektibo ng isang bakuna o gamot laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga kwestyon, matapos ipanukala sa ilalim ng Bayanihan 2 bill ang hindi na pagdaan sa Phase 4 ng clinical trial ang mga papasok na COVID-19 drug at vacines sa bansa,.

Aminado si Health Usec. Maria Rosario Vergeire na kasama ng Department of Science and Technology at Food and Drug Administration ang ahensya sa pagre-rekomenda ng naturang probisyon sa Kongreso.

“Nagawa na ito dati, hindi na ito bago. This accelerated process has been done already in various parts of the world, para sa Ebola at meningitis vaccines.”

Dumaan naman daw ito sa konsultasyon ng Health Technology Assessment Council, kung saan may kaakibat na safeguard ang probisyon sakaling pirmahan na ito ni Pangulong Duterte.

“Ang naging rekomendasyon kailangan may safeguard tayo, even though we exempt yung ating bakuna sa Phase 4 clinical trial kailangan ma-meet ang conditions na ito.”

Kabilang sa safeguards na kakambal ng hindi na pagdaan sa Phase 4 ng COVID-19 drug at vaccine sa bansa ang surveillance at monitoring sa pagiging epektibo at kalidad na nakaayon sa rekomendasyon ng World Health Organization.

Mayroon ding database para sa impormasyon ng mga sumaling pasyente; informed consent o pagpapaliwanag sa epekto at side effect ng gamot o bakuna sa pasyente at komunidad; at pilot testing o matagumpay na eksperimento sa maliit na populasyon bago subukan sa mas maraming tao.

“Parang may Phase 4 clinical trial na rin lang, yung process lang ang medyo nag-relax tayo, but the safeguards are still there.”