Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa pamunuan ng New Bilibid Prison (NBP) para malaman kung ilan sa kanilang mga inmates ang tinamaan at namatay dahil sa COVID-19.
Kasunod ito ng ulat hinggil sa pagkamatay daw ng ilang high-profile inmates, partikular na ang ilang drug lord, matapos tamaan ng sakit.
Aminado si Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na hindi nagkakatugma ang datos na hawak nila mula sa listahan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sa inilabas kasi na data ng DOH nitong Linggo, isang person deprived of liberty (PDL) lang ang death case ng NBP ndahil sa COVID-19. May 13 iba na inmate sa ibang jail facility.
“We are currently coordinating with them (NBP). Noong aming nakipagusap kami muli sa NBP, mukhang hindi kami nagpapareho ng number,” ani Vergeire.
“So ngayon inaayos lang natin para makakuha tayo ng tamang impormasyon.”
Ayon kay BuCor spokesperson Gabriel Chaclag, 343 PDLs na ang tinamaan ng COVID-19. Mula sa kanila ,311 ang gumaling na at 19 ang namatay.
Hindi naman kinumpirma ng opisyal ang pangalan ng mga namatay na inmates, bilang tugon sa probisyon ng Data Privacy Act.
Nitong Linggo nang lumutang ang ulat tungkol sa pagkamatay ng drug lord na Jaybee Sebastian at iba pang high-profile Chinese inmates dulot ng COVID-19 infection.
Sa ilalim ng DOH Memorandum 2020-0217, nakasaad ang guidelines para sa prevention and control ng COVID-19 sa mga kulungan.
Kaakibat nito ang contact tracing at isolation sa pamumuno ng Department of Interior and Local Government.
“Dapat lahat (ng inmates) nasc-screen for signs and symptoms, specially yung ating mga senior citizens dyan. ‘Yung mga taong may commorbidities (or) immunocompromised individuals.”
“Kapag nagkakaroon ng mga ganitong kaso (ng COVID-19) sa closed institutions, nagkakaroon na tayo ng contact tracing dyan. Nakakapag-extract tayo ng mga taong kailangan dalhin sa ospital, yung mga tao na kailangan i-isolate.”