Inatasan ni Speaker Lord Allan Velasco ang mga komiteng nagiimbestiga sa sanhi ng pagbaha sa lalawigan ng Cagayan at Isabela nang manalasa ang Bagyong Ulysses na silipin ang mga umiiral na protocols sa tuwing mayroong kalamidad.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food at Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle, sinabi ni Velasco, may-akda ng House Resolution No. 1345, na mahalagang matukoy kung “act of man” ang pagbaha sa Cagayan Valley.
Mahalaga aniyang matukoy sa imbestigasyon kung ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam ay nagpalala sa epekto ng climate change.
Kaya mainam aniya na masilip kung tama ang protocols na sinunod ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pati na rin ng mga local government units bago pa man tumama sa lupa ang Bagyong Ulysses.
Hangad naman ni Minority Leader Joseph Stephen Paduano na panagutin ang mga dapat managot.
Si BHW party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, may-akda ng House Resolution No. 1348, ay nais namang makabuo ng kongretong solusyon para maiwasang mangyari sa ibang lugar sa bansa ang dinanas ng Cagayan Valley.
Sa panayam ng Bombo Radyo, tiniyak ni House Committee on Agriculture and Food chairman Mark Enverga na aalamin nila ang puno’t dulo sa nangyaring pagbaha.
Base sa latest data ng NDRRMC, kabuuang 4,079,739 katao o 995,476 pamilya sa 6,644 barangays sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, National Capital Region, at Cordillera Administrative Region ang apektado ng Bagyong Ulysses.
Aabot sa 73 ang napaulat na nasawi at 69 naman ang sugatan.
Ayon sa NDRRMC, 19 katao pa ang patuloy pa ring hinahanap hanggang sa ngayon.