-- Advertisements --

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7143 o panukalang VAT Refund program para sa foreign tourist.

Nasa 304 mambabatas ang bumuto ng pabor sa panukala at apat ang hindi pabor.

Aamyendahan nito ang National Internal Revenue Code upang magpasok ng panibagong probisyon.

Pangunahing makikinabang dito ang mga non-resident foreign passport holder kasama ang dual citizens, at hindi kabahagi ng anomang trade o business.

Sa sandaling maging ganap na batas ito, ang non-resident tourist, ay maaaring maka-avail ng VAT refund sa binili nitong produkto o goods mula sa accredited retailers na hindi dapat bababa sa P3,000 ang halaga.

Dapat namang mailabas ng bansa sa loob ng animnapung araw ang naturang biniling produkto.

Ang halagang ito ay maaaring i-adjust depende sa administrative cost ng refund, consumer index price at iba pang market conditions na tutukuyin ng Finance secretary batay na rin sa rekomendasyon ng Tourism secretary at BIR commissioner.

Sa taong 2024, nakatakdang ipatupad ng pamahalaan ang nasabing programa batay sa ekomendasyon ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group.