Nagdeklara na ng state of emergency ngayong araw ang bansang Vanuatu matapos yanigin ng sunud-sunod na malakas na lindol kasabay ng malakas na bagyong ilang araw nang humahagupit dito.
Ayon sa United States Geological Survey, unang tumama ang magnitude 6.5 na lindol sa isla ng Espiritu Santo sa hilagang bahagi ng archipelago na may lalim na sampung kilometro, na agad namang sinundan ng magnitude 5.4 aftershocks ilang sandali ang nakakalipas.
Sa bukod na pahayag naman ay pinawi ng Pacific Tsunami Warning Center ang pangamba ng publiko matapos iulat nito ang “no tsunami threat” mula sa mga nauna nang pagyanig na naramdaman sa lugar.
Samantala, ayon sa mga kinauukulan, dalawang araw lamang bago ito ay hinagupit din ng Bagyong Judy ang Vanuatu na may lakas na hanging aabot sa 200 kilometers kada oras na nagdulot ng pagbaha sa mga kalsada, at nakaapekto rin sa daloy ng kuryente, komunikasyon, at 320,000 na kabahayagn sa nasabing isla.
Sa ngayon ay wala pa namang naitatalang casualties ang mga kinauukulan mula sa naturang mga kalamidad.