-- Advertisements --

ILOILO CITY – Lumagda na ang Iloilo City Government ng kasunduan sa British-Swedish multinational pharmaceutical at biopharmaceutical company na AstraZeneca para sa pagbili ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccine.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na matapos ang isinagawang legal review ng Multilateral Agreement, nilagdaan nito ang kasunduan sa pagbili ng P600,000 doses ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Treñas, ang nasabing mga bakuna ay para sa 300,000 na residente o 60% ng populasyon ng Iloilo City na katumbas ng total voters noong May 2019 elections.

Kabilang sa mga pumirma ay sina AstraZeneca President Lotis Ramin, Department of Health Secretary Francisco Duque III, National Policy Against Covid-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr.

Samantala, isa rin ang Iloilo Provincial Government sa mga local government units na naunang lumagda sa kasunduan sa AstraZeneca.

Ayon kay Iloilo Governor Arthur Defensor Jr., inisyal na bibili ang lalawigan ng 270,000 doses ng COVID vaccine.