-- Advertisements --

Kung ang vaccine expert na si Dr. Lulu Bravo raw ang tatanungin, wala naman talagang bakuna na masasabing 100% na epektibo sa ano mang sakit.

Pahayag ito ng kilalang vaccine trialist, matapos magsulputan ang mga ulat sa umano’y higit 90% effectivity ng COVID-19 vaccine na gawa ng ilang malalaking kompanya sa ibang bansa.

“95%, napakalaking effectivity na ‘yan. Kasi walang bakuna na 100%, kaya yung 95% na effective vaccine ay napakaganda. Sabi nga nila (experts) dahil yung COVID napaka-fatal na sakiy, yung mga scientists mag-aapprove na maski nasa 50% effective lang eh.”

Sinisingil ng paliwanag ng ilang eksperto at scientists ang British company na AstraZeneca matapos aminin na nagkamali sila sa pagbibigay ng dose ng bakuna sa kanilang clinical trial participants.

Wala namang nai-report na adverse effect o hindi magandang epekto sa mga pasyente na hindi sinasadyang mabigyan lang ng kalahating dose ng bakuna.

Pero natatakot ang mga eksperto dahil sa umano’y kwestyonable pang efficacy ng naturang bakuna.

Sa isang artikulong ipinublish ng kilalang research journal na The Lancet, sinabi ng researchers na delikado pa ang makampante sa gitna ng mga developments sa bakuna.

Sinabi ng The Lancet, matabang pa ang impormasyon ng mga bakunang nag-anunsyo lang ng kanilang efficacy rate sa mga press releases. Kailangan umano ng peer-review o malawakang pagsusuri ng iba’t-ibang scientists sa mga datos, para matukoy kung totoo nga ang ianunsyo ng mga kompanya.

“Unfortunately, the trials’ results were announced via press releases, leaving many scientific uncertainties that will dictate how the vaccines will affect the course of the pandemic. Little safety data are available. How well the vaccines work in older people or those with underlying conditions and their efficacy in preventing severe disease are still unclear,” ayon sa artikulo.

Ayon kay Dr. Bravo, kailangang magsikap ng mga lider ng bansa para mahikayat ang publiko na magtiwala muli sa bakuna.

“Kapag nakita ng mga tao na yung mga scientist, mga doktor, at mga eksperto na magpapabakuna ay bakit hindi ka magpapabakuna? Sino ang paniniwalaan mo?”

Ayon sa Department of Health, hihintayin nila ang opisyal na paliwanag ng AstraZeneca sa mga ulat, lalo na’t plano nilang mag-clinical trial ng bakuna sa bansa.

“We need to be officially informed by the manufacturer because they have that responsibility because they were able to submit already their application to the country. Also we have ongoing negotiations with them so it is but right that they are responsible to provide us with that information as to this allegations regarding their study,” ani Vergeire.

Nitong Biyernes lumagda ng kasunduan ang pamahalaan, kasama ang pribadong sektor at nasabing kompanya para siguradong makakatanggap ang bansa ng higit 2.5-milyong dose ng bakuna pagdating ng 2021.