-- Advertisements --


Mistulang ginugulangan ng China ang Pilipinas sa nagpapatuloy na presensya ng mga Chinese vessels sa Julian Felipe Reef.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, sa kabila kasi ng hakbang na ito ng China ay tila hinahayaan lamang ito ng Duterte administration dahil sa “vaccine diplomacy” ng Beijing.

Iginiit ng kongresista na hindi dapat hinahayaan ng pamahalaan na gamitin ng China ang donasyon nitong mga Coronavirus Disease vaccines na kapalit ang soberenya ng bansa.

Sinabi ni Zarate na gaya ng nakasaad sa Bibliya, para bang mga pilak ang bakuna na bigay ng China para isuko naman ng Pilipinas ang mga teritoryong sakop ng bansa.

Kasabay nito ay nananawagan muli si Zarate para sa code of conduct sa South China Sea pati na rin ang pagkakaroon ng joint patrols ng iba pang claimants.

Dapat na magpadala rin aniya ang Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines ng mas maraming air at maritime assets sa area para i-monitor at maharang ang anumang pananakop pati na rin maprotektahan ang mga Pilipinong mangingisda laban sa China.

Sa isang statement, iniulat ng National Task Force for West Philippine Sea na nagkalat na rin ang mga Chinese vessels sa iba pang bahagi ng Kalayaan Group of Islands at sa West Philippine Sea.