-- Advertisements --

Madaling araw pa lang itinigil na ng Manila City government ang pagtanggap ng walk-in COVID-19 vaccinees.

Alas-3:00 pa lang ng madaling araw ay itinigil na ang pagtanggap ng mga walk-in vaccinees dahil maagang naabot ang cutoff na 2,500 doses kada vaccination site.

Sa isang Facebook post ng Manila Public Information Office (PIO), sinabi nila na ang kanilang vaccination sites sa mga mall, partikular na ang sa Lucky Chinatown Mall, Robinsons Place Manila, at SM Manila, ay hindi na tatanggap ng karagdagang tao na pipila.

Samantala, ang pagtuturok naman ng COVID-19 vaccines sa SM San Lazaro ay kanselado.

Alinsunod na rin ito sa request ng management ng mall para matiyak ang kaligtasan ng publiko dahil sa mahabang pila na naitala kaninang madaling araw pa lamang.

Noong Martes lang, hinimok ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje ang publiko na iwasan muna ang walk-in vaccination para maiwasan ang mass gathering at superspreader events.