-- Advertisements --

Maari nang bumiyahe ang mga UV express units at traditional jeeps sa Metro Manila simula sa susunod na linggo, ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board chairman Martin Delgra.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, kinuwestiyon ng mga kongresista ang hindi pa rin pagpayag sa mga traditional jeepneys at UV express units kahit pa niluwagan na ang quarantine protocols.

Paliwanag ni Delgra, may sinusunod silang “heirarchy” sa kung anong mode ng public transportation ang unang payagang makapag-operate matapos na suspendihin ng pamahalaan ang kanilang operasyon makaraang magdeklara ng enhanced community quarantine sa Metro Manila noong Marso.

Sa ngayon, ang tanging nakabalik na sa kanilang operasyon ang MRT, LRT, city buses, at modern jeepneys dahil sa sa mas malaki ang kanilang passenger capacity.

Ayon kay Delgra, naunang pinayagan nila na makapag-operate uli ang mga bus at modern jeepneys dahil sa mas madali rin aniyang i-manage ang mga ito kaysa traditional jeepneys o UV express.

Sa kabilang dako, umapela naman ang iba’t ibang samahan ng mga public utility jeepneys (PUJs) sa gobyerno na huwag munang ipilit ang modernization program ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Bagama’t suportado aniya nila ang jeepney modernization program ng pamahalaan, sinai ng mga lider ng grupong FEJODAP, TFCODE at ACTO na mariing tinututulan naman nila ang iba pang pagbabagong isinusulong ng Department of Transportation at LTFRB tulad ng pag-iba ng ruta, pagbuo ng kooperatiba, pagkakaroon ng panibagong prangkisa at bridge management.