Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pang siyentipikong basehan na epektibo ring gamitin sa labas ng mga pagamutan ang UV gadgets laban sa COVID-19 virus.

Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na sa ilalim ng rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), ginagamit lang sa paglilinis at disinfection ng mga ospital, clinics at iba pang formal healthcare settings ang mga devices na may ultraviolet (UV) lights.

“Alinsunod ng rekomendasyon ng WHO, hindi ito replacement o maaaring pamalit sa paglilinis at pagpupunas, at pagtanggal ng contaminants sa environmental surfaces.”

“Marami ring factors na marami ring makakaapekto sa paggamit nito, kagaya ng dose ng ultraviolet mula sa device, o kung naka-expose ang buong kagamitan na sasailalim sa UV disinfection.”

Ang labis daw na exposure dito ay posible ring magdulot ng pinsala sa paningin, skin irritation, pagkasunog, at mas mataas na risk sa skin cancer.

Ipinaalala ni Vergeire na ang pinaka-ligtas pa ring disinfectant ay ang alcohol o bleach-solution.