Ibinulalas ng presidente ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAPi) ang kanyang sama ng loob dahil sa katiwalian sa loob ng Philhealth na nagdulot ng perwisyo sa kanilang asosasyon.
Sinabi ni PHAPi President Dr. Rustico Jimenez na mas malaki pa raw ang perang inilaan ng Philhealth sa kanilang maternity at dialysis clinic kumpara sa mga ospital na humahawak ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon pa kay Jimenez, base sa data na iprinisinta sa kanila ng 125 nilang hospital members, papalo na sa P2.3 billion ang utang sa kanila ng Philhealth mula noong 2019 at hindi pa kasama rito ang mga covid patients.
Binanatan din nito ang Philhealht dahil kung hindi raw sila magpa-follow up sa kanilang bayad ay aabutin pa ng ilang araw bago ito ihuhulog sa kanilang account.
Kinikuwestiyon ng doktor kung saan muna napupunta ang perang hindi agad naihuhulog sa kanila.
Pero naniniwala naman itong sa pamamagitan ng isasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa katiwalian sa Philhealth ay lalabas din ang katotohanan.
















