-- Advertisements --

Binuksan ng senator-judges ang ikalawang araw ng impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte ngayong hapon ng Martes, Hulyo 7, sa pamamagitan ng diskusyon hinggil sa 16-vote threshold na kinakailangan para sa conviction ng impeachable official.

Sa kaniyang manifestasyon, tinukoy ni Senador Panfilo Lacson ang bahagi ng naging talumpati ni Senator-judge Francis “Chiz” Escudero matapos italaga bilang presiding officer ng Impeachment Court. Sa naturang talumpati, kinumpirma ni Escudero na two-thirds ng mga senador ang kailangan upang mapatalsik ang isang impeachable official.

Nilinaw kasi ni Lacson kung ang pahayag na ito ay personal na legal na opinyon lamang ni Escudero bilang presiding officer, o kung ito ay pormal nang ruling ng Impeachment Court.

Positibo naman ang naging tugon ng presiding officer, at naniniwalang ang naturang usapin ay isang “justiciable controversy.”

Ipinalawanag ni Escudero na bagaman ito ay ruling ng chairperson, hindi naman ito tinutulan o iniapela ng sinumang miyembro ng korte kaya nananatili itong epektibo.

Matatandaang unang idinulog ni Senador Alan Peter Cayetano ang usaping ito sa unang araw pa lamang ng paglilitis. Ayon kay Cayetano, kung ang deklarasyon kahapon ni Escudero ukol sa 16-vote threshold ay ituturing nang pinal na ruling ng Impeachment Court, hindi na nila ito pakikialaman o kukuwestiyunin pa.

Gayunpaman, nilinaw ng senador na hindi siya nabigyan ng pagkakataon na tumutol kahapon, bagaman naipaliwanag naman na aniya ang lahat kahapon.

Binanggit din ni Cayetano na sa kasalukuyan ay may nakabinbin pang kahalintulad na kaso sa Korte Suprema, ang Cayetano vs. Aquino, na tumatalakay din sa usapin ng 16-vote threshold.