Naniniwala ang Makabayan bloc sa Kamara na dapat nang ibalik ng pamahalaan ang usapang pangkapayapaan.

Ito ay sa gitna na rin ng mga nangyaring serye ng mga pagpatay sa Negros Oriental na sinasabing tagasuporta ng mga rebeldeng komunista.

Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na umaabot na sa 87 na ang napapaslang sa Negros habang 67 naman ang sa Bicol.

Nagsimula na rin aniya ang kahalintulad na operasyon ng militar sa Esastern Visayas na maituturing na gawain ng isang death squad.

Nababahala ang kongresista na maaring maging mitsa ang sitwasyon sa naturang mga lugar para maideklara ng pamahalaan ang Batas Militar sa buong bansa.

Nauna nang sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na pinag-aaralan na nila ang pagdeklara ng martial law sa Negros dahil na rin sa patayan na nangyayari roon.

Samantala, matinding pag-iingat ang ginagawa ng ilang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara makaraang makatanggap ng banta sa kanilang buhay.

Pero iginiit ni Zarate na siya ring Deputy Minority Leader, na kabahagi na ito ng kanilang mga adbokasiyang isinusulong bilang mga miyembro Makabayan bloc na kritikal sa ilang polisiya ng administration.

Dahil sa red tagging, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na may sinusunod na silang precautionary measures.

Naniniwala naman si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na ang security threat na kanilang natatanggap ay nagmumula mismo sa pamahalaan na nagsimula nang sampahan ng mga gawa-gawang kaso ang ilan sa kanilang mga kasamahan.

Gayunman, iginiit ng naturang mga kongresista na hindi sila nagpapadala sa mga bantang ito na ang tanging hangad lamang ay magdulot ng pangamba.