Naglunsad ng five year program ang United States Agency for International Development kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang tulungan ang hindi bababa sa anim na lungsod na umangkop sa masamang epekto ng climate change.
Sa isang Memorandum of Agreement na nilagdaan ni USAID Mission Director Ryan Washburn at DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, ang departamento ng Pilipinas ay may tungkuling tiyakin na ang mga resulta ng Climate Resilient Cities project ay palaging naaayon sa paggamit ng data ukol sa climate change.
Ang nilagdaang kasunduan ay $15 million na Climate Resilient Cities projects upang matulungan ang mga lungsod ng Batangas, Borongan, Cotabato , Iloilo, Legazpi at Zamboanga.
Kabilang sa mga pangunahing target ng mga proyekto ay ang pagbabawas ng mga greenhouse gas emissions.
Gayundin ang konserbasyon ng 100 milyong ektaryang mga tanawin at suportahan ang 500 milyong tao sa buong mundo upang maghanda at umangkop sa climate change.
Ang proyektong Climate Resilient Cities ay sinusuportahan din ng Korea International Cooperation Agency.
Sinabi ni Environment Secretary Yulo na ang layunin ng proyekto ay para mapagaan ang mga epekto ng climate change sa pamamagitan ng pagpapahusay ng kaalaman at pagpapabuti ng access sa climate change financing.