-- Advertisements --

Nagbabala si United Staes Vice President Kamala Harris na isang malaking pagkakamali sakaling ituloy ng Israeli military ang plano nitong ground assault sa siyudad ng Rafah sa Southern Gaza. 

Ang lungsod ng Rafah nga ang naging takbuhan ng ilang daang libong residente ng Gaza para makalayo sa giyera doon. 

Sa ngayon ay higit 1.5-M na Palestinians na ang naninirahan sa maliit na siyudad ng Rafah na pinaniniwalaang lubos na maapektuhan sakaling lusubin at atakihin ito ng mga tropa ng Israel. 

Ayon kay Harris, pinag-aralan niya ang mapa ng Rafah at nakita niya na wala ng iba pang mapupuntahan ang mga residente doon kaya patuloy umano ang kanilang babala na isang malaking pagkakamali ang pag-atake sa lugar. 

NGunit para kay Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu, hindi nila magagawang matalo ang Hamas kung hindi nila lulusubin ang Rafah. 

Umaasa pa rin daw sila sa suporta ng US ngunit kung hindi raw nila ito ibibigay ay gagawin na lang nila ito nang mag-isa.

Iginiit din ng Israel na gumagawa sila ng paraan para mailikas ang mga sibilyan sa Rafah at matugonan ang mga pangangailangan ng mga residente. 

Ang US ay ang pangunahing supplier ng armas-pandigma ng Israel. Kada taon ay nagbibigay ang Washington ng hindi bababa sa $3.8-B na tulong sa Israel at sa ngayon ay nakikipag-usap pa si US President Biden sa Kongreso para makakuha pa ng $14-B na tulong.

Una ng sinabi ng White House na hindi nila ititigil ang pag-suplay ng mga armas-pandigma sa Israel dahil naniniwala sila na dapat mabura na ang mga Hamas sa Gaza.