Nangako si United States Defense Secretary Lloyd Austin kay Pangulong Bongbong Marcos na tutulong at susuporta ang Amerika sa modernization ng Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular sa mga defense capabilities nito at palakasin pa ang interoperability ng mga sundalo ng Pilipinas at Amerika.
Sa courtesy call ni Austin kay Pang Marcos Jr. sa Malacanang kanina, binigyang-diin ng top US officials na susuporta ang Amerika sa Pilipinas para imodernize ang mga kagamitan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ipinunto din ng Pangulong Marcos na kaniyang nakikita ang mahigipit na ugnayan ng Pilipinas at ng Asia Pacific sa US dahil sa malakas na partnership.
Pinasalamatan naman ng Pangulo si US defense chief Austin sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas sa kabila ng “very complicated situation” sa rehiyon.
Ito ang pangalawang pagkakataon na bumisita sa bansa si Austin.
Layon ng kaniyang pagbisita ay pakalasin ang ugnayan ng dalawang bansa, magkaroon ng palitan ng mga ideya at personal alamin ang kasalukuyang sitwasyon sa Asia-Pacific region.
Siniguro din ni Austin kay Pangulong Marcos na magsasagawa ng humanitarian assistance ang US para tulungan ang mga kababayan natin na biktima ng 6.1 magnitude na lindol sa Davao de Oro.