Pinayagan ng U.S. Supreme Court noong Huwebes (araw sa Amerika) ang administrasyon ni U.S. President Donald Trump na ipatupad ang pagtakaran na nagbabawal sa mga aplikante ng U.S. passport na tukuyin ang kanilang kasarian ayon sa kanilang gender identity. Sa halip, ang passport dapat ay tumutukoy lamang sa sex assigned at birth.
Ang desisyon ay inilabas habang nagpapatuloy ang class action lawsuit na kumukwestiyon sa mga patakaran. Ayon sa korte, ang pagpapakita ng sex sa birth certificate sa passport ay hindi lumalabag sa ”equal protection principles,” at itinuturing lamang itong historical fact.
Sa kabilang banda nag-dissent naman ang tatlong liberal justices na sina Ketanji Brown Jackson, Sonia Sotomayor, at Elena Kagan kung saan sinabi ng mga ito na ang patakaran ay nagdudulot sa mga marginalized groups, ng scrutiny at humiliation partikular sa mga transgender Americans.
Nabatid na binabaliktad ng patakarang ang dekadang practice ng U.S. State Department simula noong 1992 na pinapayagan ang sex designation sa passport kahit pa iba sa sex assigned at birth basta’t ang aplikante ay may sapat na medical documentation.
Sa ilalim ng administrasyon noon ni dating U.S. president Joe Biden, mula 2021 ay pinapayagan ang self-selection ng sex marker, kabilang ang third option na “X” para sa nonbinary, intersex, at gender non-conforming na aplikante.
Ayon sa mga nagreklamo, ang patakaran ay nagbibigay lang ng dahilan sa kanila sa harassment, extra security screenings, at posibleng detainment, at nag-aalis sa kanilang karapatan na maaari umanong mauwi sa misidentification o karahasan.
Magugunitang ang administrasyon ni Trump ay patuloy na tina-target ang karapatan ng mga transgender Americans sa pamamagitan ng iba’t ibang executive orders, kabilang nariyan ang pagbabawal sa transgender sa militar at pagbawas ng pondo para sa LGBT-related research sa National Institutes of Health.















