-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nanawagan si US Senator Dick Durbin sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng pagpapahalaga ang press freedom sa bansa.

Ito ay kasunod ng pagkakapaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ayon kay Bombo International Correspondent Marlon Pecson na kilalang malapit na kaibigan ni Lapid, nanawagan aniya ang Democratic senator mula sa Illinois na mabigyan ng hustisya sa lalong madaling panahon ang pagkakapaslang sa naturang mamamahayag.

Nabatid na malapit ang naturang senador sa mga Pilipino kaya patuloy ang pakikiisa nito sa panawagan na mawakasan na ang pamamaslang sa mga journalists sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Pecson na nagpadala na rin ng liham sa Palasyo Malakanyang ang National Press Club sa Estados Unidos kaugnay ng kanilang mga suhestyon at hinaing sa nangyayaring karahasan sa mga mamamahayag.

Samantala, ipinagpasalamat naman ng Filipino community sa Amerika ang malaking halaga na nalikom ng pamahalaan bilang reward money sa sinumang makakapagturo sa suspek sa pagpatay kay Lapid.

Aniya, malaking tulong ito upang mabilis na gumulong ang imbestigasyon.