Tila hindi kumbinsido ang isang election law attorney sa Amerika sa ballot petition signatures ng presidential candidate at rapper na si Kanye West.
Sa reklamong inihain ni Atty. Scott Salmon sa state Division of Elections, hindi valid ang nasa 600 mula sa 1,327 signatures na isinumite ni West para sa deadline ng mga independent presidential candidates.
Lumalabas kasi na magkakahwagi ang sulat-kamay ng naturang mga pirma at ang iba ay kulang pa ng address.
“Mr. West’s petitions do not contain the valid signatures of 800 qualified voters and should have been rejected by the Division,” saad ni Salmon.
Kamakailan lang nang inanunsyo mismo ng 43-year-old rapper ang kanyang pagkandidato bilang pangulo ng Estados Unidos ngayong taon, bagay na nagdulot ng palaisipan sa mga fans kung ito ba ay seryoso.
Sa kanyang Twitter account at ginawa pa niyang “IG” story, sinabi nito na dapat ay mapagtanto na ang pangako ng Amerika sa pamamagitan ng pagtiwala sa Diyos at may pagkakaisang pananaw tungo sa ikakaganda ng hinaharap.
Si West na asawa ng socialite na si Kim Kardashian ay vocal supporter ni US President Donald Trump. (NYpost)