Nakatakdang magtungo si US President Joe Biden sa India para sa G20 summit ngayong darating na weekend.
Ang pagbisita ni Biden ay naglalayong gamitin ang hindi pagdalo ng mga lider ng China at Russia upang palakasin ang mga alyansa at puwersa ng US.
Kung matatandaan, una nang inanunsyo na hindi kasi dadalo si Chinese President XI Jin Ping sa naturang G20 Summit.
Ang malalim na hindi pagkakasundo sa digmaan ng Russia sa Ukraine, ang pag-phase out ng fossil fuels at pagsasaayos ng utang ay mangingibabaw sa mga pag-uusap ng mga lider ng dalawang bansa na maaaring makahadlang sa mga kasunduan sa dalawang araw na pagpupulong sa New Delhi.
Ayon kay National Security Advisor Jake Sullivan, tatalakayin ni Biden ang isang hanay ng magkasanib na pagsisikap upang harapin ang mga pandaigdigang isyu kabilang ang climate change.
Gayundin ang pagbabawas sa mga epekto sa ekonomiya at panlipunan ng digmaan ng Russia sa Ukraine.
Si Biden ay nakatakdang magtagal sa India mula Setyembre 7 hanggang 10 para sa G20 Summit.