-- Advertisements --

Wala pang impormasyon kung may Pilipinong naapektuhan sa pambobomba ng Estados Unidos sa tatlong nuclear sites sa Iran, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa isang panayam sinabi ni DFA Assistant Secretary Robert Ferrer na hindi malinaw kung may mga kababayan na Pilipino sa mga tinamaan ng airstrikes ang nadamay ngunit pinaalalahanan ang mga Pilipino na umiwas sa mga pasilidad ng Iran.

Ayon kay Ferrer, may tinatayang 1,200 Pilipino sa Iran, at siyam na ang humihiling na makauwi sa Pilipinas.

Tiniyak rin ni Ferrer na ang mga tauhan ng Philippine Embassy sa Tehran ang huling lalabas ng bansa, upang masigurong naasikaso muna ang mga nais umuwi.

Samantala, 223 Pilipino sa Israel ang humiling ng repatriation, kung saan 26 sa kanila ay naka-iskedyul nang makaalis. Tinatayang nasa 30,000 Pilipino ang nasa Israel.

Isang Pilipino naman ang nasa kritikal na kondisyon, habang pito na ang nakalabas na ng ospital.

Nabatid na umabot sa 88 na kabahayan ng mga Pilipino ang naiulat na nasira dahil sa airstrikes ng Iran, at 80 katao dito ang nailipat sa mas ligtas na lugar.

Samantala noong Biyernes, itinaas na ng pamahalaan ng Pilipinas sa Crisis Alert Level 3 ang Iran at Israel, na nangangahulugang pinapayuhan ang mga Pilipino sa nasabing mga bansa na boluntaryong umuwi na bunsod ng tumitinding tensyon sa rehiyon.