Hinimok ng isang election lawyer si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukalang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na nakatakdang idaos sa Disyembre 1 ng kasalukuyang taon.
Iginiit ni Atty. Romulo Macalintal na dapat iwasan ng Pangulo na maulit ang pagkakamali noon kung saan idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Republic Act No. 11935 na tinangkang ipagpaliban ang BSKE noong Disyembre 2022.
Bagamat inistilo aniya ang reconciled bill bilang batas sa pagtatakda ng termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay, malinaw aniya na misleading ang panukalang batas na ang tunay na epekto ay para ipagpaliban ang local election sa Disyembre at ilipat sa unang Lunes ng Nobiyembre sa susunod na taon, na magpapalawig pa aniya sa panunungkulan ng mga nakaupong opisyal nang walang public mandate.
Ayon kay Atty. Macalintal, ang reconciled bill ng Senado at Kamara ay lumalabag sa constitutional rule na dapat isang subject lamang ang malinaw na nakasaad sa title ng isang legislative measure.
Sa reconciled bill, saklaw nito ang tatlong magkakahiwalay na usapin, una ay ang pagtatakda ng bagong termino ng panunungkulan ng BSKE officials mula sa tatlong termino ay gagawing apat na termino, ikalawa ay ang pagpapaliban ng halalan sa Disyembre 2025 at ikatlo, ang pag-otorisa sa pagpapalawig pa ng panahon ng pananatili sa pwesto ng mga kasalukuyang barangay at SK officials.
Matatandaan, niratipikahan ng parehong kapulungan ng Kongreso noong Miyerkules ang bicameral conference committee report na nagtatakda sa apat na taong termino mula sa kasalukuyang tatlong taon para sa BSKE officials.
Pinagsama sa bicam report ang Senate Bill No. 2816 at House Bill No. 11287 na nag-amyenda naman sa Local Government Code of 1991 partikular na dito ang termino at petsa ng pagdaraos ng susunod na BSKE.
Ipapadala naman ito sa Pangulo para sa kaniyang paglagda. Kung sakaling pirmahan ng punong ehekutibo bilang batas, mauurong ang BSKE sa unang Lunes pa ng Nobiyembre 2026.