-- Advertisements --

Umaasa si US President Joe Biden na magpapatuloy ang pansamantalang tigil putukan sa pagitan ng Israel at Hamas hanggang sa makalaya na ang mga bihag.

Ang pahayag ay matapos palayain ng militanteng grupong Hamas ang 17 pang katao, kabilang ang isang 4 na taong gulang na batang Israeli-American.

Sinabi ng Hamas na nais nitong palawigin ang paghinto sa pakikipaglaban, na papasok sa ikaapat na araw at huling napagkasunduang araw sa Lunes.

Ito rin ay sa gitna ng pagsisikap na madagdagan pa ang bilang ng mga Palestinian detainees na pinakakawalan ng Israel.

Matatandaan na tatlumpu’t siyam na teenage Palestinian prisoners ang pinalaya ng Israel.

Sinabi ng Hamas na pinalaya naman nito ang 13 Israelis, tatlong Thai at isa na may Russian citizenship, at kinumpirma ng International Committee of the Red Cross na matagumpay itong nailipat sila mula sa Gaza.

Una nang sinabi ng Punong Ministro ng Israel na si Benjamin Netanyahu na kinausap niya si US Pres. Biden tungkol sa pagpapalaya sa hostage, at idinagdag na malugod niyang tatanggapin ang pagpapalawig ng pansamantalang tigil-putuka kung nangangahulugan ito na sa bawat karagdagang araw ay 10 bihag ang palalayain.