Pinagtibay ng Estados Unidos ang kanilang “ironclad” o matatag na mutual defense commitment sa Pilipinas kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12.
Sa isang mensahe mula sa US Department of State, ipinaabot ni US Secretary of State Marco Rubio ang mainit na pagbati sa mamamayang Pilipino sa ngalan ng buong pamahalaan ng Amerika.
Binigyang-diin niya ang malalim na alyansa ng dalawang bansa na nag-ugat pa sa kooperasyon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at napanatili sa pamamagitan ng ilang dekada ng diplomatikong ugnayan.
Bunsod nito, nakatakda ring ipagdiwang ng dalawang bansa ang kanilang ika-80 taon ng diplomatic relations, bukod pa sa ika-75 anibersaryo ng 1951 Mutual Defense Treaty na binigyang-diin din ni Rubio.
Nananatili namang committed ang Amerika kasama ang Pilipinas, na tumatayong Chair ng ASEAN ngayong taon, bilang isang kaibigan, partner at allies sa pagpapanatili ng isang bukas at malayang Indo-Pacific Region.
Binanggit din ni Rubio ang pagpapalalim ng economic partnership ng US at Pilipinas sa pamamagitan ng Luzon Economic Corridor at ang pagbuo ng ligtas at matatag na supply chain para sa mga kritikal na mineral.
Bukod dito, itinampok din ng kalihim ang matatag na ugnayan ng mga mamamayan ng dalawang bansa (people-to-people ties), kung saan mahigit apat na milyong Filipino-American ang kasalukuyang naninirahan sa US, habang mahigit 750,000 Amerikano naman ang namamalagi sa Pilipinas.
Sa huli, umaasa ang opisyal ng US na mas mapapalawak pa ang kooperasyon ng dalawang bansa upang isulong ang kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa mga susunod na taon.
















