-- Advertisements --

Usap-usapan agad ang paglabas ng US media report kung saan nagsagawa umano ng operasyon ang Amerika laban sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) chief na si Abu Bakr al-Baghdadi.

Gayunman, wala pang kumpirmasyon hinggil sa naturang raid.

Ayon sa White House, magbibigay ng “major statement” si US President Donald Trump ngayong Linggo pero hindi na idinetalye.

Sinasabing unang nagbitaw ng kontrobersyal na tweet si Trump sa pamamagitan ng pagsasabing “Something very big has just happened!”

Kung maaalala, ilang beses nang nare-report na patay na ang ISIS leader pero kinalaunan ay lumalabas na hindi pa ito ganap na naisasakatuparan.

Nitong Abril ay muling gumawa ng propaganda video si al-Baghdadi matapos ang limang taon pero hindi naman malinaw kung kailan na-film ang footage na inilabas ng jihadist organization.

Ang video ay may kinalaman daw sa pag-atake sa Sri Lanka at ang ilang buwang pakikipagdigma ng mga teroristang grupo sa Baghouz sa Syria na nagtapos noong Marso.

Si Baghdadi na 48-anyos na ay huling nagpakita sa publiko sa Mosul noon pang 2014.

Dito niya idineklara noong ang Islamic “caliphate” sa Syria at Iraq.

Mula noon ay sinasabing napatay na ang terorista. (Al-Jazeera screen grab photo / BBC)