Nakarating na ang United States envoy for North Korea sa South Korea sa gitna ng nahintong denuclearisation talks at tension sa pinakahuling missile tests ng Pyongyang.
Ang pagbisita ni Special Representative Sung Kim ay isinagawa ilang araw mula nang naglunsad ang North Korea ng panibagong submarine-launched ballistic missile (SLBM).
Agad namang binatikos ng Washington ang hakbang ng North Korea at nanawagan na ibalik na ang natigil na usapan sa denuclearisation ng Pyongyang kapalit ng sanctions relief ng US.
Samantala, pagkatapos ng pakikipag-usap ng Washington sa South Korean at Japanese counterparts noong Marters, sinabi ni Kim na hinihimok nila ang North Korea na iwasan ang ano mang probokasyon sa halip ay makipagdayalogo na lamang ang mga ito.
Sa ngayon, tinanggihan na ng Pyongyang ang hirit ng US at inakusahan ang naturang bansa maging ng South Korea na nagsasalita raw ng diplomasya habang lumilikha naman ng tension sa kanilang sariling military activities. (Reuters)