-- Advertisements --

Nahaharap sa kabi-kabilang kaso ang isang engineer mula sa California dahil sa di-umano’y pagtatangka nitong banggain ang U.S. Naval Ship Mercy sa pamamagitan nang mabilis na pagpapatakbo sa isang tren.

Ang 1,000-bed floating hospital ay kasalukuyang nasa Port of Los Angeles.

Kinilala ng U.S. Department of Justice ang suspek na si Eduardo Moreno, 44, ay kinasuhan ng isang bilang ng train wrecking matapos ang nasabing insidente.

Ayon kay Moreno, naniniwala umano ito na may ibang pakay sa Los Angeles ang naturang barko at hindi lang para tumulong sa coronavirus pandemic.

Kwento ng suspek sa mga otoridad, sinasadya raw nitong sirain ang riles at ibangga malapit sa barko ang tren na kaniyang minamaneho. Wala namang nasaktan sa insidente.

“You only get this chance once,” saad ni Moreno. “The whole world is watching. I had to. People don’t know what’s going on here. Now they will.” 

Maaaring makulong si Moreno ng hanggang 20 taon dahil sa kaniyang ginawa.