-- Advertisements --

Naka-alerto ngayon ang US forces sa posibleng mas marami pang pag-atake ng Islamic State kasunod ng nangyaring pagsabog at palitan ng putok ng baril malapit sa Kabul airport na kumitil sa buhay ng 85 katao.

Ayon kay General Frank McKenzie, head ng US Central Command, nakakakuha sila ng ilang intelligence report mula mismo sa Taliban, na tuluyang sumakop sa Afghanistan noon lang Agosto 15.

Magugunita na sa 85 kataong nasawi sa pag-atake ng Islamic State noong Huwebes, 13 dito ay pawang mga US service members.

Nangyari ito sa kalagitnaan nang paghahabol ng US at allied forces na makumpleto ang evacuation ng kanilang mga mamamayan at vulnerable Afghans palabas ng Afghanistan bago pa man ang August 31 deadline na itinakda ni US President Joe Biden.

Kamakailan lang, sinabi ng Islamic State, na kalaban ng Islamist Taliban pati na rin ng US, na tinarget ng isa sa kanilang suicide bombers ang mga translators at collaborators ng American army.

Noong Huwebes, ipinag-utos ni Biden ang pag-atake sa ISIS-K, na umako ng responsibilidad sa naturang insidente.

Hindi karapat-dapat aniya para patawarin at basta kalimutan lamang ang ginawa ng ISIS-K kaya hahanapin at papanagutin aniya nila ang mga ito sa kanilang ginawang pagpapasabog.