-- Advertisements --

Magpapadala ang U.S military ng 700 marines sa Los Angeles, California upang tumulong sa nararanasang marahas na protesta sa lugar habang naghihintay ng karagdagang National Guard troops.

Mababatid na ang hakbang na ito ay tugon ng administrayon ni US President Donald Trump sa patuloy na protesta laban sa mga immigration raids.

Maalalang ika-apat na araw na nang mag-umpisa ang marahas na protesta dahil sa ginawang immigration raids sa Southern California na nag-ugat para magtipon ang libu-libong demonstrator sa harap ng isang federal detention center kung saan naka-detain ang mga immigrants.

Una nang sinabi ni California Governor Gavin Newsom na maghahain siya ng kaso laban kay Trump na nag-aakusa sa pag-deploy ng mga national guard at marines bilang labag umano sa federal law at state sovereignty. Pinuna din ng ilang mga kritiko ang hakbang ng Pangulo bilang labis na paggamit ng kapangyarihan.

Habang patuloy ang mga protesta, iginiit ni Trump na wala siyang ibang pagpipilian kundi ang mag-deploy ng mga tropa upang pigilan ang paglala ng karahasan.