-- Advertisements --

Magbibigay ang gobyerno ng Amerika ng $30 million para sa humanitarian aid sa war-torn territory na Gaza.

Ibibigay ang naturang halaga ng tulong mula sa US Agency for International Development sa Gaza Humanitarian Foundation (GHF) na naghahatid ng mga tulong sa Gaza.

Bagamat matagal nang sinusuportahan ng Amerika sa diplomatikong aspeto ang naturang grupo, ito naman ang unang pagkakataon na nagbigay ang Amerika ng pinansiyal na tulong sa organisasyon para sa Palestinian enclave.

Inaprubahan ang naturang humanitarian aid noong Biyernes sa ilalim ng priority directive mula sa White House at State Department kung saan nasa $7 million na ang inisyal na na-disburse.

Ayon pa sa dalawang sources na tumangging pangalanan, posibleng aprubahan pa ng US ang karagdagang buwanang grants na nagkakahalaga ng $30 million para sa Gaza Humanitarian Foundation.

Ang naturang hakbang ng Amerika ay kasunod naman ng nauna nang napaulat na paghiling ng Israel sa administrasyon ni US President Donald Trump na magbigay ng $500 million sa GHF.

Ang kahilingan naman ng Israel ay sa gitna ng lumalalang humanitarian crisis sa Gaza dulot ng hindi pa rin natatapos na giyera sa pagitan ng Israel at Hamas na nagresulta sa pagkasawi ng mahigit 57,800 katao kung saan 56,152 dito ay Palestinians habang 1,706 naman ang Israelis, base sa datos ng Gaza Health Ministry.