-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umaasa ang Filipina-American candidate na makakakuha ito ng puwesto sa pagka-konsehal sa La Palma City, Orange County, California, sa local elections sa Estados Unidos.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay April Kamilah Bautista na isa ring registered Democrat, sinabi nito na tatlong spots ang bukas ngayong 2020 elections kung saan anim silang kandidato ang maglalaban sa posisyon.

Ayon kay Bautista, kapag nanalo sa pagkakonsehal, plano nito na maaksyunan ang mga adbokasiya kaugnay sa problema sa undocumented immigration o mas kilala sa tawag na TNT na mga Pinoy.

Sinabi pa ni Bautista na 40% ng populasyon sa La Palma City ay taga-Asya kabilang na ang mga Pinoy na nagtatrabaho bilang mga health workers at educators kaya umaasa siya na malaking suporta ang matatanggap niya mula sa mga ito.

Si Bautista ay ipinanganak sa La Palma City ngunit taga-Nueva Vizcaya ang kanyang ina at taga-Ilocos Sur naman ang kanyang ama.

Nagtapos ito ng pag-aaral na may degree sa Political Science and Peace and Conflict Education sa University of Hawaiʻi sa Mānoa sa Honolulu, at nagtrabaho rin kasama ang mga mambabatas.