Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para paghandaan ang evacuation ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East.
Partikular na pinahahanda ang mga air assets ng Philippine Air Force (PAF) at naval assets ng Philippine Navy para sa posibleng evacuation ng mga Pinoy na nasa Iraq at Iran.
Ito’y sa gitna ng lalong umiinit na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng Iran matapos mapatay ng US ang itinuturing na No. 2 powerful man ng Iran at top general na si Qasem Soleimani.
Ayon kay Department of National Defense Spokesperson Dir. Arsenio Andolong, pinatawag ni Pang. Duterte kahapon sa Malacañang sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP chief of staff Lt Gen. Felimon Santos, Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa at mga major unit commanders ng Army, Navy at Air Force.
Batay sa datos, nasa 1,600 Filipinos ang nagtatrabaho sa Iran at tinatayang 6,000 naman sa Iraq.
Sa kabilang dako, mahigpit na minomonitor ng AFP at PNP ang sitwasyon sa Middle East.