Pinuna ni U.S. First Lady Melania Trump ang late-night host na si Jimmy Kimmel matapos ang isang biro nito tungkol sa isang “alternative monologue” ng kanyang programa.
Sa isang segment ng kanyang show, binanggit ni Kimmel ang isang biro na tumutukoy kay Melania na may “the glow of an expectant widow.”
Sa parehong segment, nagbiro rin si Kimmel tungkol kay Jeffrey Epstein, na tinawag niyang bahagi ng isang “impression,” kung saan sinabi niya: “Melania, this is Donald. Donald, this is Melania. That was my impression of Jeffrey Epstein.”
Dahil dito bumuwelta ang First Lady sa kanyang post sa social media platform na X (dating Twitter), kung saan sinabi nito na hindi nakakatawa ang biro ng host na nakakasira at nakakasama sa sitwasyon ng politika sa Amerika, “His monologue about my family isn’t comedy – his words are corrosive and deepens the political sickness within America.”
Giit pa ni Melania, na ang ganitong klase ng biro ay dapat hindi na binibigyan ng lugar sa telebisyon, at nanawagan sa kumpanya na kumilos laban sa host, na aniya ay patuloy na nagpapakalat ng “hate.”
Ang American Broadcasting Company (ABC) kung saan umeere si Jimmy ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag kaugnay ng insidente.
Matatandaang dati nang nakaranas ng kritisismo si Kimmel mula sa kampo ni U.S. President Donald Trump dahil sa mga komentaryo nito sa iba’t ibang isyung politikal, kabilang ang mga insidente ng karahasan sa Amerika.















