Dinagdagan pa ng US Food and Drug Administration ang humahabang listahan nito ng mga hand sanitizer products na pinangangambahang contaminated ng toxic methanol.
Mahigit 12 hand sanitizer products na binebenra ng Mexico-based 4E Global ang di-umano’y may mataas na lebel ng methanol at kasalukuyang inirekomenda upang i-recall.
Ayon sa FDA, mas lalo pa raw dumami ang mga produkto na may ethanol, mas kilala bilang ethyl alcohol, na kamakailan lamang ay nagpositibo mula sa poisonous methanol contamination.
Mapanganib ang methanol lalo na kapag nadikit ito sa balat ng isang tao. Batay sa impormasyon na inilabas ng ilang estado, nakatanggap umano sila ng mga reports na nagdulot umano ito ng pagkabulag at pagkamatay sa mga menor de edad at matatanda matapos inumin ang hand sanitizer products.
Inabisuhan naman ng Centers for Disease Control and Prevention ang mamamayan ng Amerika na palaging maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon upang makaiwas sa COVID-19. Pwede ring gumamit ng alcohol-based sanitizer na may 60% ethanol.
Hinihikayat ngayon ng FDA ang mga konsyumer na i-check ng mabuti ang kanilang mga hand sanitizers para malaman kung nasa listahan ito ng mga produkto na dapat iwasan.