Mariing kinondena ng Estados Unidos at European Union ang pag-apruba ng China’s National People’s Congress Standing Committee sa kontrobersiyal na national security law sa Hong Kong.
Sa inilabas na pahayag ng National Securit Council mula White House, nakasaad dito na magpapatuloy pa rin ang Amerika sa kanilang mga hakbang para protektahan ang kalayaan at otonomiya ng Hong Kong.
Hinikayat din ng bansa ang Beijing na kung maaari ay bawiin ang naturang batas dahil sisirain umano nito ang matagal nang umiiral na “one country, two systems” framework.
Noong nakaraang linggo ay inanunsyo ng US na magpapataw ito ng visa restriction sa lahat ng Chinese officials at puputulin na rin ng bansa ang pag-export nito ng mga armas sa Hong Kong.
Kinumpirma naman nina European Union council president Charles Michel at European Commission Ursula von der Leyen na kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa kanilang mga international partners kung ano ang pwede nilang gawin sa pagbabagong matatamasa ng rehiyon.
Nag-alok naman ang United Kingdom ng British passport para sa mga Hong Kong British National Oversease passport holders na nagnanais tumakas sa kanilang lugar.










