Iginiit ng House prosecution panel na hindi nila kailangang maging neutral sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, matapos punahin ni Sen. Robin Padilla na tila “one-sided” ang kilos ng prosekusyon sa pagdinig.
Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, likas na “adversarial” ang impeachment trial kung saan tungkulin ng prosekusyon na patunayan ang mga paratang sa pamamagitan ng ebidensya, habang responsibilidad naman ng depensa na ipagtanggol ang respondent.
Aniya, magiging kataka-taka kung magiging neutral ang prosekusyon o kung sila pa ang magtatanggol sa inaakusahan.
Binigyang-diin din ni Luistro na ang pagiging patas at walang kinikilingan ay inaasahan sa mga senator-judges, dahil sila ang magpapasya batay sa mga ebidensyang ihaharap ng magkabilang panig.
Samantala, sinabi ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin na naging tagausig ang Kamara matapos matukoy na may sapat na batayan ang reklamong impeachment at aprubahan ito ng 257 kongresista bago isumite sa Senado ang Articles of Impeachment.
Humingi rin ng paumanhin si private prosecutor Lorna Kapunan kung may naging reaksiyon ang prosecution panel na napagkamalang kawalan ng paggalang kay Sen. Padilla, at iginiit na wala silang intensiyong bastusin ang senador.










