Inamin ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na kabilang ang kanyang asawa na si Laguna 1st District Representative Ann Matibag sa mga mambabatas na sumuporta sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Pero nilinaw ni Matibag sa paglilitis na hiwalay ang trabaho ng kanyang asawa bilang kongresista sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng NBI.
Ayon sa kanya, hindi naimpluwensiyahan ang ng kanyang asawa ang kanyang trabaho, at patas umano siya sa kanyang ginagampanang tungkulin.
”The job of my wife as a legislator is totally detached from me, being the director of the National Bureau of Investigation,” he added,” pahayag ni Matibag matapos matanong sa ika-walong araw na impeachment trial ni VP Sara.
Sinabi rin ni Matibag na pumayag siyang tumestigo matapos siyang imbitahan ng House prosecution panel. Dagdag pa niya, handa rin siyang tumestigo para sa kampo ng depensa kung siya ay inimbitahan.
“From my understanding, in the pre-trial order, I was also listed by the defense. I will be gladly witness for the defense as well, if I will be called upon,” saad ng NBI chief.
Samantala, ipinagtanggol naman ng House prosecution panel si Matibag. Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, hindi kailangang magpaalam ng kongresista sa kanyang asawa sa mga desisyong ginagawa nito bilang halal na kinatawan ng kanyang distrito.
Binigyang-diin din ni Ridon na parehong may sariling pagpapasya ang mag-asawang Matibag sa kani-kanilang tungkulin, kaya hindi dapat kwestiyunin ang kredibilidad ng NBI director bilang testigo dahil lamang sa naging posisyon ng kanyang asawa sa impeachment.
















