-- Advertisements --

Nakaalerto na ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center sa pagbabantay nito para sa nalalapit nang ika-limang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. 

Inatasan ni Undersecretary Renato ‘Aboy’ Paraiso na paigtingin ang ‘monitoring’ ng kanilang Cybercrime Response Center at Threat Monitoring Center upang mabantayan ang mga aktibidad sa ‘online platforms’, ilang araw bago ang nakatakdang State of the Nation Address ng pangulo. 

Ayon sa naturang opisyal, nagsimula na ang kanilang magdamagang pagbabantay o 24/7 Threat Monitoring maseguro lamang na makikita ang anumang pagbabanta kontra sa presidente. 

Tinututukan din aniya nila rito ang mga gawain pagtatawag ng ilang mga indibidwal para manggulo sa nalalapit na State of the Nation Address sa Lunes, ika-27 ng Hulyo. 

Bukod pa rito’y naka-monitor ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center sa pagkalat ng maling impormasyon layon lituhin ang publiko. 

Sa kasalukuyan, aniya’y wala pa silang nakikita na seryosong pagbabanta o threat na may layunin panggugulo sa State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr. 

Gayunpaman, kanyang sinabi na sa oras na mayroon silang ma-monitor, agad umano nila itong ipapasa at ipagbibigay alam sa ‘law enforcement agencies’ ng gobyerno. 

Binigyang diin naman ni Undersecretary Aboy Paraiso na ang State of the Nation Address ng pangulo ay isa sa mahahalagang pagsasanay bilang demokratikong bansa. 

Bagama’t may kanya-kanyang opinyon at karapatan ang bawat Pilipino, iginiit niyang dapat ito’y nakabase pa rin sa katotohanan at hindi maling impornasyon na nais lamang linlangin at magkaroon ng pagkakahati-hati. 

Hinimok niya ang publiko na agad iulat sa kanilang Hotline 1326 sakaling may makitang disinformation, fake news at iba pang posibleng makaapekto sa Lunes.