Inaasahang makikipagpulong sa ilang opisyal sa Middle East region ang top adviser ni United States President Joe Biden na si Brett McGurk sa susunod na mga araw.
Sa gitna ito ng nagpapatuloy na pakikipagnegosasyon ni Biden sa magkabilang partidong sangkot sa mas umiigting pang kaguluhan ngayon sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong Hamas.
Sa isang statement ay sinabi ng White House na kaugnay nito ay nakatakdang bumisita ang top adviser ni Biden na si McGurk sa ilang bahagi ng Middle East region upang makipagpulong sa mga opisyal ng Israel, the West Bank, Qatar, Saudi Arabia , at iba pa.
Layunin nito na talakayin sa mga lokal na opisyal sa naturang rehiyon ang mga usapin sa kinakailangang panseguridad ng Israel at mga sibilyan nito, partikular na sa layong pagpapalaya sa mga bihag ng militanteng grupong Hamas.
Matatandaang noong Oktubre 7, nagsimulang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan sa Israel at Hamas na kumitil sa libo-libong katao at bumihag sa mahigit 200 hostages na pawang mga sibilyan.