-- Advertisements --
image 50

Pinuna ng United State Embassy sa Maynila ang pambubuntot ng barko ng People’s Liberation Army ng China sa barko ng Philippine Navy malapit sa Bajo de Masinloc o Scarborough shoal.

Aniya, ang patuloy na kumpulan at pambubuntot ng People’s Liberation Army sa mga barko ng PH navy at Coast Guard gayundin sa mga fishing vessels at iba pang sasakyang pandagat ng PH malapit sa Scarborough shoal ay nakakapinsala sa kapayapaan at siatbilidad sa rehiyon.

Hinikayat din ng US embassy ang People’s Republic of China na igalang ang karapatan sa paglalayag at kalayaang ipinagkaloob sa lahat ng mga estado sa ilalim ng international law.

Ginawa ng US embassy ang pahayag matapos kumpirmahin ng Chinese PLA Southern Theater Command na binalaan nito at pinagbawaan ang barkong pandigma ng PH na BRP Conrado Yap matapos umanong pumasok ito sa katubigan malapit sa tinatawag ng China na Huangyan Dao o Scarborough shoal ng PH noong Oktubre 30.

Iginigiit kasi ng China na mayroon itong soberaniya sa Scarborough shoal.

Sa panig naman ng PH, pinasinungalingan ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Medel Aguilar ang alegasyon ng China na napigilan nito ang barko ng PH mula sa mission nito at sinabing hindi mapipigilan ng illegal occupant ang lehitimong may-ari mula sa pagpasok sa sariling teritoryo nito.

Ayon naman kay National Security Adviser Eduardo Ano, nagsagawa ng routine patrol operations ang BRP Conrado Yap sa buong bisinidad ng Bajo de Masinloc.