-- Advertisements --
AUSTIN X GALVEZ 2

Nilinaw ni United States Defense Secretary Lloyd Austin III na hindi magtatayo ng permanenteng base militar ang Amerika sa Pilipinas.

Ito ay matapos na mapagkasunduan ng dalawang bansa na magtatag ng dagdag na apat na bagong mga strategic area sa bansa na magdadala sa kabuuang 9 na bilang ng mga site nito sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ginawa ni Austin ang naturang pahayag sa isang press briefing na isinagawa ngayong araw sa kaniyang pagbisita sa tanggapan ng Department of National Defense sa Camp Aguinaldo sa bahagi ng Quezon City.

Dito ay binigyang-diin ng US official na ang EDCA ay isang colaborative agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na nagpapahintulot aniya sa dalawang bansa na makapagsagawa ng mga rotational activities na makakatulong sa naturang mga bansa na mapalakas pa ang pagtugon nila sa mga humanitarian issues, kalamidad, at iba pang uri ng krisis.

Samantala, sa ngayon ay hindi muna tinukoy ni National Defense Secretary Carlito Galvez Jr. ang lokasyon ng dagdag na apat na EDCA sites sa bansa na kaka-apruba pa lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito aniya ay sa kadahilanang kasalukuyan pa raw kasi nilang tinatapos ang mga pagpaplano para rito, gayundin ang pakikipagtalakayan sa mga lokal na pamahalaan sa bansa ukol dito.

Kung maaalala, una nang sinabi ng DND na ang mga bagong EDCA locations ay magiging daan para sa mas mabilis na suporta para sa humanitarian at climate-related disasters sa Pilipinas at makapagresponde sa iba pang shared challenges.

Nagkasunod rin daw ang Pilipinas at Estados Unidos na bilisan ang pagdedesisyon sa kanilang mga plano at investments para sa bagong mga Enhanced Defense Cooperation Agreement locations.

Sa ngayon, ang naglaan na ang United States ng $82 million o nasa P4.4 billion para sa infrastructure investments at ang kasalukuyang limang sites na nasa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.