Patuloy na makikipagtulungan ang United States Coast Guard hindi lamang sa kanilang Philippine counterpart kundi maging sa iba pang counterparts sa rehiyon.
Ayon kay US Coast Guard Commander Admiral Linda Fagan, patuloy na pinapahalagahan ng US ang relasyon nito sa Pilipinas at iba pang regional partners at allies at naniniwala na ang pagpapanatili ng regular na palitan ng kooperasyon ay makikinabang sa lahat ng panig.
Una nang inanunsyo ng mga awtoridad na ang Philippine, US at Japanese coast guards ay magsasagawa ng kanilang kauna-unahang joint maritime drills sa huling bahagi ng linggong ito.
Ang mga pagsasanay ay isasagawa sa Mariveles, Bataan mula Hunyo 1 hanggang 7, at lalahukan ng humigit-kumulang 400 tauhan mula sa tatlong nasabing bansa.
Nais ng USCG na palakasin ang pakikipagtulungan nito sa mga kasosyo at kaalyado lalo na sa mga may problema sa pagpapatupad ng batas sa kanilang mga eksklusibong economic zone na sumusuporta sa kanila sa pagprotekta sa kanilang soberanya at pagpigil sa iligal na pangingisda.
Nilalayon din ng naturang maritime exercise na makatulong na palakasin ang maritime governance sa Indo-Pacific region.
Una na rito, nakikipagtulungan din ang US sa mga bansang ASEAN sa pamamagitan ng joint training tulad ng Southeast Asian Maritime Law Enforcement Initiative.