CAGAYAN DE ORO CITY – Kulong na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility ang isang American national na umano’y nasangkot sa online sexual exploitation of children.
Ang suspek ay inaresto dahil sa reklamo ng isa sa mga ina sa pulisya sa Cagayan de Oro City.
Sa ngayon, sinampahan ng kasong paglabag sa anti-child pornography, anti-child abuse at anti-trafficking in person laws ang akusado na si Louie Leyland Valdivia, 40-anyos na tubong California sa Estados Unidos na pansamantalang nakitira sa Brgy. Consolation sa naturang lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni PNP Anti-Cybercrime Unit 10 chief Col. Dominador Estrada na modus operandi umano ng suspek na maghahanap ng mga mabibiktima na mga babae sa Facebook at kung mahulog na ang loob ay iniengganyo nito na bilhan ng ilang mamahaling gamit para mapasama sa lodging house para mapagsamantalahan.
Sinabi ni Estrada na hindi lang isa subalit apat na babaeng menor de edad ang pagsasamahin ng suspek sa loob ng motel para pagsamantalahan kapalit ng pera at ibang pabor.
Subalit tuluyang nahulog rin sa kanilang kamay ang suspek kasama ang kakutsaba na taxi driver na si Juvy Loor Dayham na taga-Misamis Oriental nang nakapagsumbong ang isa sa mga biktima sa ina nito at ikinasa ang entrapment operation.
Una nang nailigtas ng tracker team ng PNP ang walo sa 95 na umano’y dumaan sa mga kamay ni Valdivia simula pa sa taong 2020.
Natuklasan na kadalasan sa mga nagsilbi umanong biktima ng suspek ay nag-edad 12 hanggang 17 na halos lahat mag-aaral ng mga publikong sekondarya ng lungsod.
Magugunitang iginiit ng suspek na nagkuwari na nagbebenta ng cruficix bralets na hindi niya kaslanan subalit sa mga babae dahil sila umano ang lumalapit sa kanya para humingi ng pabor.
Kaugnay nito,hinihintay na rin ng PNP ang kasagutan ng kanilang request sa Homeland Security ng Amerika kung mayroon ba na kinasangkutan na katulad na kaso ang suspek kaya umalis ito at pumasok sa Pilipinas partikular sa Cagayan de Oro.