-- Advertisements --

Nagbabala muli ang China sa Estados Unidos at iba pang bansa na huwag makialam sa usapin tungkol sa South China Sea dahil ang pag-aagawan umano sa naturang teritoryo ay dapat resolbahin lamang ng Beijing at iba pang claimants.

Ito ang naging pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian matapos nitong makipag-usap kay Philippine Foreign Secretary Tedoro Locsin at sa bagong talaga ni U.S. President Joe Biden bilang US Secretary of State Antony Blinken.

Nanindigan kasi si Blinken na kailanman ay hindi tatanggapin ng Amerika ang pang-aangkin umano na ginagawa ng China sa South China Sea at nangako rin ito na dedepensahan ang Pilipinas sa anumang pananalakay na gagawin ng Beijing.

Ayon kay Zhao, umaasa ang China na ang mga bansang nasa labas ng rehiyon ay rerespetuhin ang mga ginagawang hakbang ng China at iba pang regional countries para maayos na talakayin ang maritime disputes, gayundin ang pagpapanatili sa kapayapaan sa South China Sea.

Hindi man parte ng nasabing dispute ang Washington ay nagdeklara pa rin ito ng kanilang interes upang tiyakin ang freedom of navigation at overflight sa karagatan na pinag-aagawan ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, Taiwan, at China.

Samantala, nilinaw naman ng U.S. military na walang bahid ng pagbabanta ang namataang Chinese military flights sa South China Sea nitong mga nagdaang araw.

Base raw sa monitoring ng Theodore Roosevelt Carrier Strike Group, People’s Liberation Army Navy (PLAN), at Air Force ay wala silang nakitang anumang pagbabanta mula sa China.