Nakiisa na rin sa pagtulong sa ating mga kababayang apektado ng landslide sa Davao de Oro ang mga bansang Estados Unidos at Australia.

Ito ay sa gitna ng patuloy na ginagawang search and rescue operation ng mga otoridad sa mga biktima ng nangyaring trahedya sa naturang lugar na kumitil na sa buhay ng 55 katao.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Australian Ambassador to the Philippines Hae Kyong Yu na namahagi ang kanilang pamahalaan ng nasa 1,800 shelter tarps sa Mindanao upang tulungan ang mga pamilyang patuloy na naaapektuhan ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa lugar.

Sa pamamagitan ito ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.

Bukod dito ay ibinahagi rin ni United States Ambassador to Manila MaryKay Carlson na gamit ang dalawang air asset ng US marines ay tutulong din ang kanilang gobyerno sa paghahatid ng mga tulong at supplioes sa mga biktima ng kalamidad sa Mindanao.

Kaugnay nito ay sinabi rin ng US Agency for International Development’s Bureau for Humanitarian Assistance na nakipagtulungan ito sa International Organization for Migration Philippines at Department of Human Settlements and Urban Developments para naman sa pagbibigay ng emergency shelter sa mahigit 5,000 katao na biktima ng malawakang pagbaha sa naturang probinsya.

Kaalinsabay nito ay magpapaabot din ang Amerika ng nasa USD1.25-million na halaga ng tulong para sa 795,000 na mga pamilyang nawalang ng tirahan nang dahil sa baha, pagguho ng lupa, at walang humpay na malakas na pag-ulan sa tatlong rehiyon.

Gagamitin ito para sa cash-based assitance, at pagde-deliver ng water at hygiene supplies