Boluntaryong sumuko sa mga otoridad sa Los Angeles si US actress Lori Loughlin matapos na masangkot sa college cheating scam.

Kasama nitong humarap sa korte ang asawang designer Mossimo Giannulli at Desperate Housewives star Felicity Huffman.

Base sa mga otoridad na nagbayad si Loughlin at asawa nito ng aabot sa $500,000 na suhol para makapasok ang dalawang anak nilang babae sa University of Southern California (USC) bilang pekeng rowing-team recruits.

Kabilang sila sa 50 katao na kinasuhan dahil sa panunuhol sa mga unibersidad para makapag-aral ang kanilang mga anak.

Ilan sa mga malalaking unibersidad ay ang Yale, Stanford at Georgetown.

Ang mga inakusahang magulang na karamihan sa mga ito ay celebrities at CEO ng malalaking kumpanya na nagbayad ng hanggang $6.5 million para dayain ang college entrance ng kanilang anak ganun din ang pagsuhol sa mga sikat na coaches para pekehin ang mga athletic scholarships sa mga non-athletic students.