Inamin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na kinakailangan nang i-upgrade ang mga pumping station sa Kalakhang Maynila upang mas epektibong makatugon sa matitinding pagbaha.
Ayon kay Torre III, kailangan na ng mas malalakas at mas malalaking pasilidad upang makasabay sa dumaraming volume ng tubig dulot ng mas malalakas na buhos ng ulan.
Ibinunyag ng opisyal na ilan sa kabuuang 73 pumping station ng MMDA ang bahagyang “nabulunan” o nahirapan gawa ng dagsa ng tubig at basura, bagamat naipagana rin naman ang mga ito kalaunan.
Gayunpaman, nagbabala siya na posibleng hindi na kayanin ng mga kasalukuyang kagamitan kung mas lalong lalakas at tatagal ang mga pag-ulan dahil mawawalan na ng “window time” o sapat na oras ang mga tauhan para sa pagsasagawa ng repair.
Dahil dito, binigyang-diin din ni Torre III ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga backup facility upang matiyak ang kahandaan ng pamahalaan sa mga hindi inaasahang sitwasyon.
















